MALACAÑANG
MANILA
ATAS NG PANGULO NG PILIPINAS
PROKLAMASYON BLG. 1041
NAGPAPAHAYAG NG TAUNANG PAGDIRIWANG TUWING AGOSTO 1-31 BILANG BUWAN NG WIKANG PAMBANSA
SAPAGKAT
, ang pagpapahalaga sa isang katutubong wikang pambansa ay pinatunayan ng pagkakaroon ng kaukulang probisyon sa Saligang Batas ng 1898, 1935, 1973, at 1987;
SAPAGKAT
, ang isang katutubong wikang panlahat ay mahalagang kasangkapan sa komunikasyon, unawaan, kaisahan at kaunlaran ng bansa;
SAPAGKAT
, ang katutubong wikang nagsisilbing batayan ng nililinang, pinauunlad at pinagyayaman pang wikang pambansang Filipino ayon sa itinatakda ng Saligang Batas ng 1987, ay gumanap ng mahalagang tungkulin sa Himagsikan ng 1896 tungo sa pagkakamit ng Kasarinlan na ang Ika-100 Taon ay kasalukuyang ipinagdiriwang at ginugunita ng sambayanang Pilipino;
SAPAGKAT
, ang dating Pangulong Manuel Luis Quezon, ang itinuturing na Ama ng Wikang Pambansa, ay isinilang noong Agosto 19, 1878;
DAHIL DITO, AKO
, si
FIDEL V. RAMOS
, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa bisa ng kapangyarihang kaloob sa akin ng batas, ay nagpapahayag ng taunang pagdiriwang tuwing Agosto 1-31 bilang Buwan ng Wikang Pambansa, sa pangunguna ng mga pinuno at kawani sa sektor ng pamahalaan, mga pinuno at guro sa sektor ng edukasyon, mga kinatawan ng pakikipagugnayang pang-madla, mga pinuno at miyembro ng iba’t ibang organisasyong pangwika, pang-edukasyon, pangkultura at sibiko, at mga organisasyong di-pampamahalaan.
BILANG KATUNAYAN
, lumagda ako rito at ipinakintal ang tatak ng Republika ng Pilipinas.
GINAWA
sa Lungsod ng Maynila, ngayong ika 15 ng Hulyo, sa taon ng Ating Panginoon, Labinsiyam na Raan at Siyamnapu’t Pito.
(Sgd.)
FIDEL V. RAMOS
Akda ng Pangulo:
(Sgd.)
RUBEN D. TORRES
Kalihim Tagapagpaganap