Limampung taon na ngayon ang nakakaraan simula nang maganap ang isa sa mga pinakamahalagang pangyayari sa ating kasaysayan bilang isang malaya at nagsasariling bansa. Noong ika-dalawampu ng Oktubre, 1944, ang mga puwersang Amerikano ay dumaong sa mga dalampasigan ng Leyte Gulf at, kasama ng mga makabayang sundalong Pilipino, ay sinimulan ang mahaba at mahirap na pakikibaka upang muling mapalaya ang ating bayan mula sa mga kamay ng mga mananakop.
Fifty years ago, on October 20, 1944, Filipino and American forces began the long and arduous struggle to regain Philippine independence and sovereignty in the beaches of Leyte Gulf, a place now hallowed in the annals of war, sacred ground where love or country and democracy shone forth in one of its most glorious moments in our history.
Sa araw na ito ay ginugunita natin ang kabayanihan ng mga pilipinong mandirigma, ang ating mga sundalong nakihamok, hindi lamang sa labanan sa Leyte, kundi maging sa Bataan, sa Corregidor, at sa lahat ng sulok ng Pilipinas na kung saan ay ipinamalas natin ang katapangan ng ating lahi marami sa ating mga kababayan ang nagbuwis ng kanilang buhay para sa ating bayan, para sa mga simulain ng kalayaan at demokrasya. Mayroon tayong mga beterano ng digma na naging saksi sa mga sakripisyo at pakikihamok ng ating mga kababayan. Ang araw ng pagdiriwang na ito ay para sa kanila, silang mga Pilipinong buong tapang na tumindig at humarap sa napakahirap na hamon ng pakikibaka laban sa dayuhang puwersa sa ating bayan. Gayundin, ang paggunita natin sa Leyte Gulf landings ay pananariwa ng pagkakaisa at pagkakapatiran ng mga mandirigmang pilipino at mga puwersang Amerikano, isang pagsasamang pinanday sa larangan ng digmaan, at ngayo’y patuloy nating pinagyayaman sa panahon ng kapayapaan.
Sa okasyong ito, inaanyayahan ko ang buong sambayanan na gunitain ang makasaysayang araw ng pagdaong sa Leyte, ang Leyte landings. Marami pong inihandang anyo ng pagdiriwang ang national executive committee on the commemoration of the 50th anniversary of the Leyte landings, isang komiteng aking nilikha upang i-organisa ang pagdiriwang na ito.
Tinatawagan ko po ang buong bayan na sariwain ang mga mabigat na pagpapakasakit ng ating mga sundalo at gerilya, sampu ang mga sundalong Amerikano, Australyano at iba pa nating kaalyado, upang mapalaya ang ating bayan. Makiisa po tayo sa mga pagdiriwang na gaganapin, hindi lamang sa lalawigan ng Leyte, kundi maging sa ibang bahagi ng ating bansa.
MABUHAY!!