Sa paghahanda sa panibagong daantaon, napakahalagang papel ang gagampanan ng midya, lalo na ang electronic media. Ang electronic media ang magiging pangunahing daluyan ng impormasyon at mahalagang instrumento sa patuloy na edukasyon na magpapalawak sa kaalaman at pananaw ng ating mga mamamayan. Ito ay malaking tulong din sa pagkatupad ng ating pagnanasang magkaisa ang ating bayan at makamtan ang kaniyang mga adhikain.
Ngayon pa lamang ay dapat nang bigyang pansin at papuri ang mga gawain sa midya na tumutulong sa ating taong-bayan sa larangang ito, tulad ng mga ginagawa ng “Hoy! Gising!”.
Maaaring pinasan nina Korina, Ted at Gel, kasama ang mga staff ng programa, ang responsabilidad na yugyugin at gisingin ang mga tutulog-tulog na indibidwal at institusyon — pribado man o sa gobyerno — para dinggin ang hinaing ng ating mga mamamayan.
Mula sa kanilang panggigising, papasok naman ang gobyerno para pakilusin ang mga tao at ahensiyang ito.
Muli, inihahatid ko ang aking malugod na pagbati sa ikatlong taong anibersaryo ng “Hoy! Gising!”. Kaisa ninyo ako at ang aking administrasyon sa pagsigaw — Hoy! Gising!